Kalakbay at Katoto by Fr. Chito Dimaranan, SDB

CLICK HERE TO REGISTER ONLINE

CLICK HERE TO DOWNLOAD BROCHURE/REGISTRATION FORM

Subscribe to Kalakbay at Katoto by Fr. Chito Dimaranan, SDB feed Kalakbay at Katoto by Fr. Chito Dimaranan, SDB
Kasama sa Paglalakbay sa Buhay at Pananampalataya
Updated: 51 min 48 sec ago

EUKARISTIYA: TANDA, TUNAY, TOTOO!

Sat, 2015-06-06 02:28

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Katawan at Dugo ni Kristo – Taon B

Junio 7, 2015

TANDA. TUNAY. TOTOO

Uso ngayon ang mga logo kahit saan. Kung gusto mo makita, matandaan, makilala at hindi makalimutan, kailangan mo ng logo, at ang logo ang siyang nasa likod ng tinatawag na “branding.”

Pag wala kang branding, wala kang benta. Kung wala kang tandang pagkakilanlan, wala kang branding. Wala kang patunay at wala kang patotoo. Kung walang branding, generic ka. Maraming katulad. Maraming kapantay. Hindi ka unique. Ika nga noong araw ay isa kang telang “kukur” – kukurtinahin!

Ang mga tagasunod ni Kristo ay may Biblia. Ito ang naglalaman ng Salita ng Diyos. Subali’t ang Salita ng Diyos ay mas malawak, mas malaki, at mas malalim kaysa sa Biblia. Hindi nakakulong sa Biblia ang gustong ipahayag ng Diyos. Hindi nakapako sa material na aklat ang kalooban ng Diyos. At lalong hindi dapat ipantay ang Pahayag ng Diyos sa iisang aklat o sa koleksyon man ng mga aklat.

Ang lahat ng Kristiyano ay nakikilala sa iisang batayan ng pangaral, kumbaga. Ang kanilang logo ay ang Banal na Kasulatan at ang debosyon sa Salita ng Diyos.

Pero ang tanda ng pagiging Kristiyano ay hindi napapako sa Banal na Kasulatan. Ang Biblia ay tulad ng isang logo. Ang logo ay tumatayo at kumakatawan sa kung sino at ano ang isang kompanya, o isang samahan, subali’t ang samahang tunay o ang kabuuan ng kompanya ay hindi mapapantayan at hindi lubos na maipahahayag ng isang logo.

Tanda lamang ito.

Hindi ito ang tunay na kabuuan.

Hindi rin ito ang kaganapan ng totoo.

Mahalaga ang Banal na Kasulatan bilang batayan ng pangaral. Lahat ng nilalaman nito ay totoo, subali’t hindi lahat ng totoo ay nilalaman nito.

Subali’t dahil sa Banal na Kasulatan ang batayan natin, tayo na’t tumunghay sa Kasulatang ito, upang makakuha ng isa pang tanda na nilalaman nito na nagbibigay ng pagkakilala at identidad o kakanyahan sa Simbahang itinatag ni Kristo.

Magsimula tayo sa tanda. Ang tanda ng dugo na sa Lumang Tipan ay naging tanda rin ng kasunduan ng Diyos at ng bayang Israel. Dugo ng hayop na inialay sa templo ang ibinuhos sa altar at ibinuhos rin o iwinik sa mga kasama ni Moises. Tandang maliwanag ito ng kasunduan ng Diyos at ng tao.

Segundahan natin ito ng sinasaad sa Biblia … Ang tupang inialay at ang dugong ibinuhos sa altar sa Lumang Tipan ay napalitan ng maamong tupa na walang iba kundi si Kristo. Ang kanyang dugo ay nabuhos sa altar ng kung saan siya napako sa krus. Ang kanyang katawan ay tulad ng tupa na inialay bilang sakripisyo sa krus.

Galing lahat ito sa Biblia. At mula sa parehong Biblia ay nakita natin kung paano siya kinilala rin ng nagsulat ng liham sa mga Hebreo: “Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dakilang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin.”

Galing rin ito sa Biblia … Ang kanyang dugo at katawang inialay ay dakilang tanda ng kanyang pagmamahal at pagliligtas sa atin, sa atin ding mga kasalanan.

Lahat ay galing sa Biblia! Pero meron pa!

Bago siya magdusa at mag-alay ng dugo at katawan, ay mayroon siyang ginawa na naging tandang dakila at patunay at patotoo ng kung ano na siya ngayon para sa atin. At ito ay galing pa rin sa Biblia! “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami.”

Galing sa Biblia. Pero ang turo niya ay hindi lamang salita. Ang kanyang ginawa ay hindi lamang tanda. Hindi lamang logo. Hindi lamang branding. Ito ay may kinalaman sa mas malawak na katotohanang siya ngayon ay nagkakaloob ng sarili bilang pagkain, bilang tandang tunay at totoo ng kanyang pagmamahal sa atin.

Ito ang Banal na Eukaristiya – ang dakilang Katawan at Dugo ng Panginoong Jesucristo. Tanda. Tunay. Totoo. Gawa, hindi lamang salita. Pagmamahal, hindi lamang pangaral. Pagmamalasakit, hindi lamang pasakit.

Pista ngayon ng sentro at pundasyon ng pananampalatayang Katoliko na galing sa Banal na Kasulatan. Totoo ang nilalaman nito.

Hindi lamang logo. Hindi lamang tanda. Siya ay Diyos at taong totoo, sa anyong Tinapay at Alak na naging daan, hindi lamang tanda, ng kanyang ganap na pagliligtas sa kanyang bayang minahal.

Purihin at ipagdangal ang Kabanal-banalang Sakramento ng Eukaristiya!


MALABO BA?

Sat, 2015-05-30 02:00

[ANG TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kapistahan ng Banal na Santatlo

Mayo 31, 2015

MALABO BA?

Marami tayong hindi nauunawaan pero tinatanggap natin. Para sa maraming tao, ang kuryente na ginagamit natin araw-araw ay malayo sa pang-unawa ng tao. Ang alam lamang nila ay tumatakbo ito sa kawad o alambre, at ito ang nagpapatakbo ng lahat ng kasangkapan sa bahay, pati na ang kalan at plantsa.

Kapag tinanong mo ang maalam, maipapaliwanag nila ang electrons, ang positive at negative ions, at iba pa, pero sa mas malalim na pagninilay, mga pangalan lamang ito sa isang misteryong malayo sa pang-unawa ng karamihan.

Hindi rin natin matingnan upang lubos maunawaan ang araw. Pero tanggap natin ang liwanag. Tanggap rin natin ang init nito. Tanggap natin na kung walang araw ay walang buhay. At kahit na anong paliwanag tungkol sa chlorophyll na siyang sumasagap sa sinag ng araw at gumagawa ng pagkain para sa atin, ay ito ang puno at dulo ng lahat … MALABO PA RIN.

Pero malabo man o malinaw, tanggap natin na walang forever! Kahit ang teleseryeng ito ay nagwakas na ,,, sa ayaw nyo man o sa gusto.

Ito rin ang katotohanan tungkol sa Diyos. Malabo! (At kung meron mang nagsasabing malinaw sa kanya ang Banal na Santatlo, eto naman ang sagot ko: E DI WOW!)

Pero may dagdag ako … Hindi lahat ng malabo ay hindi totoo. Tingnan nyo mga pictures ninyo, lalo na yung sinauna pa, na galing sa negatives o sa black and white pa noong panahon ni Mahoma. Malalabo!

Kumain kayo ng shomai na usong-uso ngayon. Alam nyo ba kung ano talaga ang laman? Kahit malabo at puro harina at gawgaw lang na binudburan ng maraming asin, kain pa rin tayo. Tingnan nyo rin ang embutido o ang ngohiong … kahit panay tinapay lang at extenders ang ginamit, takam pa rin tayo.

Hindi natin matingnan ang araw. Pero dama natin ang sinag. Hindi natin matitigan ang araw, pero tanggap natin ang init.

Hindi natin makita ang mukha ng Ama, pero tulad ng sinag ng araw, ay nakita natin si Jesus na kanyang bugtong na Anak. Hindi natin matunghayan ang Ama, pero dama rin natin ang init, na siyang Espiritu Santo.

Iisang Diyos. Tatlong Persona. Diyos Ama. Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.

Malabo ba? Dapat lang! Sapagka’t kung malinaw ito para sa iyo, ay IKAW NA!

Pero walang tutulad sa Diyos. Walang Diyos kundi Siya lamang. Walang karapat-dapat tumanggap ng luwalhati at papuri liban sa kanya lamang, sapagka’t walang ibang Diyos kundi Siyang nagpakilala nang dahan-dahan sa atin sa kasaysayan. Siya ay Manlilikha. Siya ay Manliligtas. Siya ay mapagpabanal at mapaghatid sa katotohanan.

LUWALHATI SA DIYOS AMA. LUWALHATI SA DIYOS ANAK. LUWALHATI DIYOS ESPIRITU SANTO, IISANG DIYOS, TATLONG PERSONA!

Siya na, wala nang iba!


MAGMAHAL, MANATILI, MAMUNGA!

Fri, 2015-05-08 21:11

Ika-anim na Linggo Pagkabuhay (B)

Mayo 10, 2015

MAGMAHAL, MANATILI AT MAMUNGA!

Sabi nila hindi na raw uso ang ligawan ngayon … wala nang pumoporma sa simbahan tuwing Linggo. Pare-pareho na ang mga kabataan at matanda na parang lahat galing o papunta sa beach o sa mall. Pero ayon sa programa sa radio kagabi na pinangunahan ng mga kabataan, meron pa rin daw … kaya lang ay iba na ang pamamaraan … sa social media, sa texting, sa chat, at sa sandamakmak na selfie sa social media.

Hindi kailanman mawawala ang pag-ibig ng tao. Nabuhay tayo dahil sa pag-ibig at lumaki tayo at naging adulto dahil rin sa pag-ibig.

Totoo ito, lalu na’t ngayon ay Mothers’ day. Kung wala kang Nanay na nagkalinga, malamang ay wala ka sa mundong ito.

Pero, kahit na hindi ngayon Mothers’ Day, hindi natin maipagkakaila na ang mga pagbasa ay may kinalaman sa pag-ibig na higit pa sa pag-ibig ng isang Ina.

Ito ang pag-ibig ng Diyos, na naging dahilan na tayo ay nasa mundong ibabaw pa rin … dahilan rin kung bakit nananatili pa rin tayo at sa ating kakayahang itaguyod ang buhay natin at buhay ng iba.

Salamat sa mga Nanay o Ina ng tahanan. Kasama ako sa pagdiriwang ng kadakilaan ng lahat ng Ina, kasama at sarili kong Ina, kahit matagal nang pumanaw!

Pero dakila mang tunay ang Nanay nating lahat, mas dakila ang Diyos na nagmahal sa atin sa mula’t mula pa. Larawan lamang ang pag-ibig ng isang Ina ng pag-ibig ng Diyos, “sapagka’t mula sa Diyos ang pag-ibig.”

Sa maraming ospital sa buong mundo, may mga taong ang trabaho ay kargahin at pasusuhin ang mga bagong silang na sanggol. Sabi ng mga eksperto, sa loob daw ng 48 oras matapos isilang, dapat daw makaramdam ang sanggol na mainit na katawan, upang maunawaan ang pagiging konektado sa isang buhay at tunay na ina. Maging ang mga sanggol ay nangangailangan ng koneksyon, na panananatili, ng pagiging karugtong ng buhay ng isang ina.

Malinaw ang pahatid ng mga pagbasa sa atin ngayon … Magmahal, sapagkat, minahal muna tayo ng Diyos, at “sapagka’t ang Diyos ay pag-ibig.” Pero hindi sapat na malamang tayo ay minahal Niya. Dapat tayong MANATILI … manatiling konektado sa Diyos.

A ver! Nakakita na ba kayo ng sanga ng puno na nakahiwalay sa puno at patuloy na namumunga? Wala! Walang sanga na hindi konektado sa pinagmumulan ng buhay ang patuloy na mamumunga.

LInggo ngayon ng pag-ibig! Tatlong bagay ang kailangan upang maging totoo ito sa buhay natin: magmahal, manatili, at saka mamunga!


STAY KA LANG KAY LORD, KAIBIGAN!

Fri, 2015-05-01 22:29

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay B

Mayo 3, 2015

STAY KA LANG KAY LORD!

Kahit gaano kasama ang tao, may pag-asa pa. Siguro, wala nang hihigit pang patunay itong katotohanang ito sa mismong sarili nating buhay. O di ba? Lahat tayo ay nakagawa nang hindi maganda. Lahat tayo ay nakapagsabi ng kasinungalingan. Ayon sa Banal na Kasulatan, ang lahat ay nagkasala at ang lahat ay hindi makapantay sa luwalhati at kadakilaan ng Diyos.

Sino pa ba ang ating halimbawa sa araw na ito? … Walang iba kundi si Saul, na dati-rati ay tagapag-usig ng mga tagasunod ni Kristo. Oh, ano na siya ngayon? Ayon sa aklat ng mga Gawa, “kasama-sama nila [siya] sa Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon.”

Tingnan mo nga naman! … dating pangit ang ugali, ngayon ay masugid na tagasunod ng kanyang inusig at di tinanggap. Ano ang bunga nito? “Naging matiwasay ang simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.”

Tunay na may bagong buhay maging sa mga taong tila patay, at pumapaslang. Tunay na may pag-asa pa hangga’t may hininga at buhay.

Malalim ang pinaghuhugutang pag-ibig ni Juan. Tinawag niya ang kanyang mga tagasunod na mga “anak.” Hindi lamang yan … tinawag niya rin silang lahat na “mga minamahal” … minamahal ng Diyos at silang pinagkalooban ng dakilang awa at pag-ibig mula sa Kanya.

Marami na akong naging alagang aso. May apat pa ako ngayon. Isang katangian ng aso ay ito … marunong silang dumikit sa kanilang amo, o kung sino man ang nagpapakain sa kanila, ayon sa batas ng kalikasan.

Pero higit pa rito ang tao … marunong mamili, marunong magpasya. At hindi napapako sa madilim na nakaraan … kayang bumangon … kayang magbagong-buhay. Tulad ni Pablo. Tulad ni Pedro. Tulad ng lahat ng mga banal na pawang nagsimula sa mundo na may bahid ng kasalanan, nguni’t napagtagumpayan ang mali, at gumawa nang tama.

Ito naman ang tanong para sa atin ngayon … Kaya ba natin ito? Gets ba natin ang dapat gawin upang makaya ito?

At dito naman malinaw pa sa liwanag ng araw ang dapat gawin … “Manatili kayo sa akin.” “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga.”

Malinaw ito sa kaso ng aso. Wag siyang manatili sa akin, at walang magpapakain sa kanya. Malinaw rin ito sa ubasan. Putulin mo ang sanga at ito ay matutuyot at mamamatay.

Gets nyo na ba?

Kung hindi tayo konektado sa internet, wala kang Clash of Clans. Kung wala kang load, wala kang chat. Kung wala kang service provider, walang silbi ang iyong mamahaling cellphone. Mabuti pa aso. Pag sinabi mong “stay,” stay nga siya. Konektado. Kapiling. Kasama.

Stay ka lang kay Lord! Stay ka lang sa kanyang higit pa sa wi-fi coverage. Si Lord ang web. Ikaw ang device. At kung wala si Lord, wala kang silbi smartphone!

Kapit lang nang matibay, kaibigan! Kailangan pa rin natin ang Panginoon!


BATONG TINANGGIHAN; BATONG SALIGAN

Sat, 2015-04-25 20:25

[TINAPAY NG BUHAY]

Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay – B
Abril 26, 2015

BATONG TINANGGIHAN; BATONG SALIGAN

Sabi nila kapag ukol ay sadyang bubukol. Kung balak ng Diyos, anumang balakid ay malalampasan, mapagtatagumpayan. Sa mahigit dalawang libong taong kasaysayan ng Simbahang itinatag ni Kristo, napakaraming nagsikap ibagsak ito. Maraming nagpunyagi. Maraming nagsikap gapiin ito. Ni isa sa kanila ay nagtagumpay.

Mahalaga ang batong panulukan sa pagtatayo ng gusali. Kapag mali ang sukat at tibay ng batong panulukan, ang buong gusali ay mahina. Pinipili ito nang mainam at pinagpaplanuhan.

Mismong ang Banal na Kasulatan ay tumawag kay Jesus bilang batong panulukan na tinanggihan ng mga tao. Nguni’t ang batong tinanggihan ang siyang naging saligan, sandalan, sandigan.

Kapag Diyos ang nagbalak, walang anumang kapangyarihan ang makahaharang.

Malapit na naman ang laban ni Pacquiao. Magdadagsaan na naman ang mga kongresman at senador sa Las Vegas. Tataya na naman ang mga sugarol, at maglalagak ng salapi ang mga may puedeng lustaying salapi. Mamimili sila ng kani-kanilang manok na pupustahan.

Namili rin ang mga Judio noong panahon ni Jesus. Mas pinaniwalaan nila ang kanilang sariling kagalingan. Naghintay sila nang maraming taon para sa Mesiyas, at nang dumating siya sa katauhan ni Jesus, ay para siyang isang batong panulukang tinanggihan, hindi kinasihan, at lalong hindi pinustahan.

Sa panahon natin, lalo na sa araw na ito, ika-apat na Linggo ng Pagkabuhay, hindi na kailangang mag-alinlangan pa. Hindi na kailangang pumusta pa. Hindi na kailangang tumaya pa. Sapagka’t malinaw na ang sinasaad sa mga pagbasa. Si Jesus, at wala nang iba, ang siyang ipinako sa krus, at siya ring muling binuhay, at siya ring batong tinanggihan, nguni’t naging batong panulukan ng kanyang Simbahan at samahan ng mga sumasampalataya.

Tanging Siya at wala nang iba. Siya at siya lamang. Ang kanyang kakanyahan (identity) ay hindi puedeng ipagkamali sa iba. Siya ang Mesiyas, ang Tagapagligtas, ang Panginoon, ang pinahirapan, nagpakasakit, ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay.

Llamadong llamado na tayo. Wag na tayong tumaya pa sa iba. Wag na tayong pumusta pa sa iba. Siya na. Wala nang iba pa. Si Kristo. Butihing Pastol. Panginoon. Tagapagligtas. Tagapaghatid. Taga-akay. Lingkod at Lider.

Sino ba ang pinupustahan mo? Dito na tayo sa tiyak na panalo. Batong tinanggihan; batong panulukan.


PAGKILALA AT PAGBABAGO

Fri, 2015-04-17 17:17

[TINAPAY NG BUHAY]

Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay – B

Abril 19, 2015

PAGKILALA AT PAGBABAGO

May mga taong pag nakilala mo ay nagbabago ang buhay mo. May mga karanasang kapag pinagdaanan mo ay nagbubunsod sa iyo upang mag-ibang landas, tumahak sa ibang daan, at magpanibago ng saloobin at laman ng isipan.

Ito ang naganap sa mga unang nakakilala kay Kristong muling nabuhay. Sa mula, dahil sa hindi nila alam ang kanilang ginagawa, ay naging daan sila upang mapako si Kristo sa krus.

Pero nang mabatid nila ang katotohanan, iba na ang usapan: “Kaya’t magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang pawiin niya ang inyong mga kasalanan.”

Bagong pagkaunawa, bagong pag-uugali!

Sa ikalawang pagbasa mula sa sulat ni Juan, halos pareho ang naririnig natin. Ang pagkakilala kay Jesus ay nagbubunga ng pagsunod: “Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.”

Dalawang disipulo ang malungkot na naglalakad noon patungong Emmaus. Palayo sila sa Jerusalem, pauwi nang muli kung saan sila nagmula, na tila wala nang inaasahan pang iba. Tutal, namatay naman ang kanilang tampulan ng pag-asa, at wala na silang ibang inaasahan pa.

Pero nang makilala nila si Jesus sa pagpipiraso ng tinapay, sa hapag kainan, nabago ang takbo ng mga bagay-bagay.

Lahat tayo di miminsan sa buhay natin ay nakaranas ng pagkabigo, pag-aalinlangan, at kawalan ng pag-asa. Naghahanap tayo malimit ng kakilala … ng taong makapangyarihan o mayaman, upang makatulong sa atin. Para sa maraming kabataan, ito ay dinadaan sa paghanga sa tanyag na tao, ang pakiki-uso, at ang pagsunod sa mga taong kinikilala ng madla bilang modelo.

Dito nabibilang ang tulad ng One Direction, ng mga artista, ng mga iniidolo ng madla …

Pero hanggang paghanga na lang ba ang sagot sa ating mga pag-aalinlangan? Hanggang pagsunod na lang ba sa uso ang puede nating gawin?

Sa araw na ito, mayroon pang puedeng gawin – ang wastong pagkilala … ang pagsisikap na tunay na makilala ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong muling nabuhay. Pero ang pagkakilalang ito ay isang pagkilalang nakatuon sa karanasan, hindi lamang laman ng isipan.

Halina’t lumapit sa Panginoong muling nabuhay. Tanging siya ang makapagbubukas ng ating kaisipan. Tanging siya ang makapagbibigay-liwanag sa nadidiliman nating isipan o pang-unawa. “At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan.”

Iba ang may kakilalang bigatin! Pag nakilala mo siyang tunay, may mararanasan kang pagbabago … Wastong pagkilala; tunay na pagbabago!


MULA SA DILIM, TUNGO SA LIWANAG

Sat, 2015-04-04 09:24

Pasko ng Pagkabuhay Taon B

Abril 5, 2015

MULA SA DILIM, TUNGO SA LIWANAG

Tahimik ang kapaligiran sa araw ng Sabado de Gloria. Parang ang kalikasan ay naghihintay, tulad ng matamang paghihintay ng marami sa pagdating ng bagyong nagsimula bilang isang napakalakas na sigwa na ngayon ay humina, salamat sa Diyos.

Sa bihilya ng Paskuwa, magsisimula ang pagdiriwang sa pagbabasbas ng bagong apoy. Patay ang lahat ng ilaw, liban sa bagong apoy na siyang magiging simulain ng isang panibagong liwanag. Mula sa kadiliman ng kamatayan ay babaling ang atensyon ng lahat sa liwanag ng panibagong buhay.

Larawan ito at tanda ng pagtawid ni Jesus mula sa kamatayan tungo sa muling pagkabuhay … tanda rin ng ating pagtawid mula sa kasalanan tungo sa bagong pagsilang at bagong pamumuhay.

Lahat tayo ay nakaranas na ng iba-ibang uri ng mumunting pagkamatay. Namatay tayo sa maraming pagkakataon sa sandaling nabigo ang mga balakin natin at mithiin. Namatay tayo nang kaunti sa sandaling naglaho na parang bula ang mga magaganda nating hangarin o mga pangarap sa buhay … nang dahil sa inggit, sa galit o sa anumang iba pang dahilan, ay nagkaroon ng balakid ang mga magaganda nating gawain o proyekto sa buhay.

Lahat tayo ay nakaranas rin ng higit na masahol na uri ng kamatayan – ang mabulid sa kasalanan, ang malayo sa biyaya ng Diyos at ang malulon sa masamang gawain o maiitim na balakin. Wala ni isa sa atin, liban kay Kristo, ang hindi nagdaan sa pagkakasala. Lahat tayo, liban kay Maria, ay ipinaglihing may bahid ng kasalanang mana.

Pero sa gabi ng Vigilia ng paskuwa, sa araw na ito ng muling pagkabuhay ng Panginoon, ang mata ng pananampalataya ay nakatuon ngayon sa pagbabagong walang kupas, wala nang wakas, at wala nang alpas.

Ito ang tunay na kahulugan ng muling pagkabuhay. Makakaranas pa rin tayo ng kamatayan bilang bunga ng kasalanan. Makararanas pa rin tayo ng mga mumunting pagkamatay dahil na rin sa kasalanan natin at ng kapwa. Subali’t ang kapangyarihan ng kasalanan at ng kamatayan ay tumanggap na ng tuldok at sentensiya ng muling nabuhay si Kristong pinahirapan at pinatay bilang tubos sa kasalanan ng sanlibutan.

Tapos na ang paghahari ng kasalanan. Tapos na ang paniniil ng kadiliman. Pinukaw na ng liwanag ang bumabalot na dilim. Patungo na tayo sa walang kahulirip na tagumpay. At wala nang makagagapi pa sa tagumpay na ito magpakailanman.

Aleluya! Purihin ang Poong muling nabuhay!


MAHAL LAMANG BA, O BANAL?

Fri, 2015-03-27 22:02

Linggo ng Palaspas Taon B

Marso 29, 2015

MAHAL LAMANG BA O BANAL?

Bukang bibig ng marami ang eroplanong pinabagsak ng piloto sa Francia. Isinuong niya ang buhay ng 150 katao, kasama ang kanyang buhay sa tiyak na kamatayan. Hindi na para sa akin o sa ating lahat ang magbigay ng anumang hula o haka-haka sa kung anong dahilan at nagawa niya ito.

Sapat nang sabihing isinuong niya ang sarili sa panganib at tiyak na kamatayan. Kung ano ang dahilan ay hindi na para sa akin upang hulaan.

Pero dahil sa Linggo ng Palaspas ngayon, dapat siguro nating liwanagin na ang Panginoong Jesus ay dumiretso at tumuloy pa sa Jerusalem bagama’t batid niyang parang isinusuong rin niya ang buhay sa panganib. Ayon sa kasulatan, alam niya ang kahihinatnan. Batid niya na siya ay dadakipin, pahihirapan, at ipapasailalim sa batas ng mga Judio. Malinaw sa Banal na Kasulatan na alam niya ang kanyang sasapitin.

Pero ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang dahilan, liban sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi niya ibinuwis ang buhay sa ganang kanyang sariling desisyon, kundi bagkus, ito ang kalooban ng kanyang Ama.

Hindi ito isang tadhanang hinarap nang walang malayang desisyon sa parte ng Panginoon. Ito ay isang daang kanyang tinahak bilang pagtupad at pakikibahagi sa balak ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

Marami ngayon ang magsisikap upang gawing banal ang mahal na araw. Para sa karamihan, ang paggawang banal dito ay walang iba kundi ang pagtatakbuhan at pag-uunahan sa mga tabing-dagat, sa Baguio, o kung saan medyo malamig. Para sa iba, ang paggawang banal ay pag-iwas sa karne, pero paghahanap ng mamahaling mga isda at “seafood” na mas magastos pa sa iniwanang kainin. Para sa iba, ito ay ang pagpunta sa simbahan, pero pakikipag-away sa ibang driver sapagkat naunahan o nagitgit sa parking o sa daanan.

Nguni’t bakit ba “mahal na araw” ang tawag dito? Bakit ba banal na linggo ang taguri dito? Hindi ito banal o mahal dahil lamang tayo ay nagtakbuhan sa dalampasigan. Hindi ito banal dahil lamang pinalitan natin ang Jollibee o McDonald’s ng bacalao o sopa de mariscos. Hindi ito banal dahil nagpawisik tayo ng palaspas na bili naman sa tabing kalye at pagkatapos ay magagalit tayo kasi napakahaba ng mga pagbasa, at mas mahaba pa ang sermon ng pari.

Tingnan sana natin ang diwa ng mga pagbasa ngayon. Isinuong ng Panginoon ang sarili kahit alam niyang siya ay dadakipin. Ginawa niya ang kalooban ng Diyos, at ang paggawa ng Kanyang kalooban ay may halong hirap, hindi ginhawa; pagpapahindi sa sarili, hindi pagpapasasa sa sarili.

Mahal bang tunay ang iyong mahal na araw? O mas mahal lamang ang iyong gagastusin para ito ay maging banal?

Ang nais ng Diyos ay pag-ibig, hindi lamang sakripisyo, at kung tunay na gagawin natin ito, may kalakip na hirap ito, tulad ng sinapit ni Kristong ating Panginoon.

Ang mga araw na ito ay hindi lamang mahal, kundi banal!


DARATING ANG ARAW; DUMATING NA ANG ORAS!

Fri, 2015-03-20 21:50

Ika-5 Linggo ng Kwaresma –B

Marso 22, 2015

DARATING ANG ARAW; DUMATING NA ANG ORAS!

Parang magkasalungat ang dating ng mga pagbasa … Nangako si Jeremias na “darating ang mga araw kung kailan gagawa ako ng bagong pakikipagtipan.”

Sa ebanghelyo naman, nagwika ang Panginoon na “dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao.”

Ang una ay mula sa hula o propesiya ni Jeremias. Ang ikalawa ay ang katuparan ng pangako ni Jeremias. Mula sa pangako at katuparan ay mayroong namamagitan. At ang namamagitan rito ay walang iba kundi ang higit nating kinakailangan ngayon.

Kailangan ko ngayon ng saganang buhos ng pag-asa. Napalilibutan tayo ng lahat ng uri na kawalang pag-asa, ng maraming mga pangamba, at lahat ng pagkawala ng katiwasayang pangkalooban. Hindi madaling tanggapin ang balita ng mga kristiyanong pinapatay at inuusig. Hindi madaling lunukin ang mga patuloy na panlilinlang ng mga tampalasang politikong tanging sariling bulsa lamang ang hanap. Hindi madaling tanggapin na ang bawa’t isyu ay laging pinagtatalunan ng napakaraming mga grupong kanya-kanya ang paningin sa lahat ng bagay.

Ito man ang hinarap na pagsubok ng bayan ng Diyos … ang mapatapon, ang lupigin ng banyaga at malalaking mga imperyo, ang maging alipin sa Egipto at marami pang iba. Dito pumasok ang pangako ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang tulad ni Jeremias.

Pero mula sa pangako tungo sa katuparan ay mayroon tayong dapat gawin. Mayroon tayong tungkulin at pananagutan. Ito ang paksa ng pagninilay na ito.

Una sa lahat, ang bagong pangakong ito ay una, bago. Pangalawa, kakaiba … “di gaya sa mga tipang ginawa ko sa kaniang mga ninuno.” At ito ang bago: “Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking mga utos; isusulat ko sa kanilang mga puso.”

Ito ngayon ang tanong natin sa ating sarili. Ano baga ang nakaukit sa ating kalooban? Ano ang nakasulat sa puso natin?

Malimit ang laman ng puso natin at kalooban ay takot, pagkamuhi, galit at pighati. Sa araw na ito, magandang isipin ang pagunitang ito: “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda.”

Sa biyaya ng Diyos ang pangakong darating ay dumating na. “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao.” Pero mayroon pa rin tayong pananagutan upang lubos na maganap ito. At ito ang mga dapat nating gawin:

  1. Dapat mahulog at mamatay na parang trigo
  2. Dapat magbunga ng marami
  3. Ang mapoot sa sariling buhay upang magkamit ng tunay na buhay
  4. Ang sumunod at maglingkod sa Panginoon

Darating ang panahon … Dumating na ang oras … Sa Diyos ay walang noon, at bukas, bagkus isang walang katapusang NGAYON … at NGAYON ang tamang oras. Ngayon ang oras ng kaligtasan.

Huwag nang manghinawa. Huwag nang mawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay nasa piling natin. “Diyos ko sa aki’y likhain, tapat na puso’t loobin.”


GAYON NA LAMANG ANG PAG-IBIG NG DIYOS!

Fri, 2015-03-13 22:59

Ika-apat na Linggo Kwaresma – B

Marso 15, 2015

GAYON NA LAMANG ANG KANYANG PAG-IBIG!

Nasa kalagitnaan na tayo ng Kwaresma. Sa gitnang ito kung kailan dapat ay nararamdaman natin ang kawalan ika nga ng lakas dahil sa mahabang pagpapahindi sa sarili, diwa ng kagalakan ang hatid ng liturhiya. Sa pambungad ay ipinagtatagubilin sa atin na “Magalak tayo’t magdiwang.”

Meron bang dapat ipagdiwang at ikagalak?

Ito ang kwento sa unang pagbasa. Sa kabila ng pagsuway na paulit-ulit ng bayan ng Diyos, hindi iniwanan ng Diyos ang kanyang bayan. Naging daan ng kanyang pag-ibig ang isang hindi inaasahan – si Ciro ang hari ng Persia. Pinalaya niya ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonia.

Sa ikalawang pagbasa, ang dakilang awa at habag ng Diyos ang paksa ni Pablo. “Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.”

Sa ebanghelyo, ang larawan ng Panginoong itinaas at nabayubay sa krus ang siyang naging kaugnay ng larawan ng ahas na itinaas sa tikin, upang maligtas ang mga natuklaw ng ahas sa disyerto.

Ang lahat ay nakatuon at nakaturo sa dakilang pag-ibig ng Diyos!

Alam nating mahirap ang buhay kahit saan. Sa panahon natin, tila wala na tayong kapag-a pag-asa dahil sa mga patuloy na nagaganap – ang walang patid na korupsyon sa lipunan, ang patuloy na pagyurak sa katarungan, at ang kawalang kakayahan ng mahihirap upang maka-ahon sa kanilang kahirapan.

Lahat tayo ay may karanasang maiwanan, ang hindi mapansin, ang hindi pahalagahan ng kapwa. Lahat tayo ay may katumbas na karanasan ng pagkatapon tulad ng naranasan ng bayan ng Diyos sa Babilonia.

Sa mga pagkakataong tila nawawalan tayo ng pag-asa, sa panahong tila naglalakad tayo sa tuyot na ilang o disyerto, pinupukaw nang paulit-ulit ng Diyos ang ating kamalayan at ipinagkakaloob ang panibagong sigla, panibagong aral, at panibagong paalaala na tayo ay patuloy na minamahal ng Diyos.

Huwag sana tayo manghinawa. Sa gitna ng kwaresma, sa gitna ng paghihirap natin, sa mga sandaling ang ating panalangin ay katumbas ng panalangin ng salmista: “Kung ika’y aking lilimutin, wala na akong aawitin,” ating gunitain pang minsan … may dahilan upang magalak … may dahilan upang magtiwala at umasa …

At narito ang mga dahilan:

“Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas tayo” … “Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin.”

Subali’t ito ang pinakamatindi: “Pag-ibig sa sanlibutan ng Diyos ay gayon na lamang, kanyang Anak ibinigay, upang mabuhay kailanman ang nananalig na tunay.”